About / Disclaimer

Ito ang blog ko bilang fan ng Fliptop, actually ng literatura at musika na ibabahagi sa inyo. Dito mababasa nio ang aking "sariling opinyon" at "paliwanag sa bawat linya o bara" na nasasangkutan ng Fliptop Battle League. Ito ay unofficial at fan-made na blog kung saan ang nilalaman hango sa Fliptop (videos / images / lyrics etc) kalakip ang kani-kanilang source link upang ma preserba ang copyright at trademark ng mga materyal. 

Nainspire ako sa mga akda ni Ralph "Apoc" Dela Fuente sa kanyang RAW Facebook page. Ganoon din sa Break It Down ni Loonie sa Youtube. Nalulungkot lang ako dahil wala na silang update mula nung isang taon. Marahil busy na nga sa kani-kanilang project.

At ako dahil tambay lang naman ako sa Pisonet dito sa aming kapitbahay, marami akong oras na pwedeng ilaan para talakayin at magbigay opinyon sa mga laban na ating napapanood sa Fliptop Battle League.

Nakuha ko ang pangalan na Fliptop Observer mula sa isa sa pinaka paborito kong laban, Apekz vs Apoc. Tumatak sa akin ang laban na yan dahil dito ako nag simulang magkaroon ng interes na talayakin ang mga laban sa Fliptop bara por bara sa paniniwalang nakuha ni Apoc ang laban na ito.

Maganda syang pakinggan siguro dahil narin sa set-up ni Apekz na katunog sa intro song ni Sinio. Ikalawa ay dahil bakante naman ito sa blogger.com pinarehistro ko na lamang ang pangalan bilang address ng blog.

Disclaimer

Papangunahan ko na kayo, hindi ko maihahanay ang sarili ko sa mga ibang page na nakagawa na ng ganitong uri ng latha. Maari rin ninyo akong tawaging isa sa mga "ungoy sa net". Ganun pa man ibibigay ko ang lahat nang aking makakaya upang talakayin ito ng mabuti at malinaw kalakip ang ibat-bang references upang mapagtibay ang aking pagpapaliwanag.

Sa kadahilanang nahaharap ang Fliptop Battle League sa krisis ng mga namimirata, Ako at ang buong blog na ito ay walang intensyon sa pamimirata o pag-gamit sa intellectual property nang liga para sa pansariling interes. Sa katunayan ang https://fliptopobserver.blogspot.com/ ay walang ads o anumang uri ng material na maaring pagkaperahan. Ginagawa ko ang lahat ng bagay na ito dahil dito ako masaya. At kung ang kasayahan na ito ay nakaka sakit sa kung ano mang pinaglalaban ng liga, ay taos sa aking puso na ihinto ang proyekto na ito. 

At sa huli bukas ang blog na ito para sa inyong mga komento at pag tatama sa palagay ninyong mas mainam kesa kung sa paanong paraan ko ito binigyan ng kahulugan. Tandaan lamang natin na nandito tayo upang talakayin, matuto at higit pang maappreciate ang bawat linya sa laban kung kaya't hindi natin kailangan mag murahan at magpalitan ng masasakit na salita. Naka pag decide na ang mga judge, nanalo na ang nanalo at hindi na natin iyon mababago.

Maraming salamat sa pag bisita. TIME!

Popular Posts